Pormal na iimbestigahan ng Criminal Investigation and Detection Group-Regional Office-3 (CIDG-RO3) sa pamumuno ni P/Chief Supt. Salvador Manga ang mga operatiba ng CIDG-Zambales kabilang na si P/Supt. Christopher Tambungan kaugnay sa pagkakasangkot ng mga ito sa aregluhan blues na pinaniniwalaang naganap sa loob ng kanyang tanggapan noong Hulyo 7, 2005.
Base sa natanggap na impormasyon ng PSN, nagsagawa nang pagsalakay ang mga operatiba ng CIDG sa Pepecaca night club sa Barangay Calapandayan kung saan may 12-kababaihan ang naaresto dahil sa pagsasayaw ng hubot hubad sa entablado.
Dinala ang mga kababaihan sa CIDG headquarters sa Barangay Barretto, Olongapo City para imbestigahan, subalit naantala ang pag-iimbestiga matapos sumulpot sa naturang tanggapan ang isang nagngangalang Manny Arce, may-ari ng gusaling sinalakay at naki-usap na huwag nang sampahan sila ng kaso kasabay ang paghatag ng P50, 000 kapalit ng pag-ayos at pagsasara ng tuluyan sa kaso.
Sinabi pa ni Manga na agad nitong aaksyunan ang naturang insidente at kapag napatunayan sangkot nga ang kanyang mga tauhan at opisyal sa naturang anomalya ay gagawa siya ng kaukulang hakbang. (Ulat nina Jeff Tombado at Alex Galang)