Kinalawit ni kamatayan ang tatlong biktima na nagpapahinga sa loob ng kubo matapos mag-araro sa bukirin na kinilalang sina Sherwin Retutal, Samuel Tolentino at Norman Renen.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ang tatlong magsasaka ay bigla na lamang pinasok ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan at isinagawa ang pamamaril.
Namatay agad ang dalawang biktima dahil kapwa napuruhan ng bala ng malalakas na kalibre ang baril, samantalang si Renen ay binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital sa karatig bayan ng Sinait.
Matatandaang kamakailan lamang ay tinambangan at malubhang nasugatan ang negosyanteng Australyano at asawa nitong may-ari ng isang resort at dahil sa patuloy na karahasang nagaganap sa nasabing lalawigan ay minabuti ng mag-asawa na lumipat sa ibang lugar.
Nabatid na noong 2004 ay pinaslang din ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan ang isa pang mayor sa isang bayan ng Ilocos Norte at nasundan pa ng isang vice-mayor.
Isa rin SK chairman ng bayan ng Badoc ang pinagbabaril din noong nakaraang taon sa patuloy na karahasan sa nabanggit na lalawigan. (Ulat ni Artemio A. Dumlao)