Bakbakan ng 2 angkan: 7 todas

ZAMBOANGA CITY – Pito-katao kabilang ang isang vice-mayor ang nasawi habang dalawa namang security escort ang nasugatan makaraang dumanak ng dugo nang magbakbakan ang dalawang magkalabang angkan sa Dinas, Zamboanga del Sur kamakalawa.

Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 9 Director Chief Supt. Prospero Noble ang nasawing bise alkalde na si Abdul Basit Maulana ng naturang bayan.

Ang iba pang mga nasawi ay sina Nasser Lumabo, Odok Dondi, Ping Abas, Abdul Racman Ibrahim at isang ’di natukoy ang pangalan; pawang mga security escort ni Maulana.

Sa panig ng angkan ng pamilya Lao ay ’di pa nakilala ang biktima na namatay matapos na gumanti ang angkan ni Maulana.

Sinabi ni Noble na nag-ugat ang insidente matapos tambangan ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mula sa pamilya Lao ang behikulo ng bise alkalde bandang alas-4:30 ng hapon sa bisinidad ng Sitio Baltagi, Brgy. Tarakan, Dinas ng nabanggit na lalawigan.

Ang mga nasugatan ay nakilala namang sina Ukol Yusof at Parouk Pua; pawang nilalapatan pa ng lunas sa pagamutan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments