Ang mga biktima na nakaranas ng pananakit ng tiyan, pananakit ng ulo at pagsusuka ay isinakay sa trak at dyip patungo sa maliit na ospital sa bayan ng Upi simula pa noong Sabado, ayon kay Upi Mayor Ramon Piang, chairman ng Municipal Disaster Coordinating Council.
Karamihan sa mga biktima na kumain ng nilutong isdang lupoy ay mula sa Barangay Kinitaan at Barangay Renede na sakop ng Sitio Tiruray sa nasabing bayan.
Aabot sa 80 biktima ang nanatili pa sa ospital kahapon kabilang na ang 20 nasa malubhang kalagayan.
Nagtayo na ng mga tolda sa labas ng ospital para sa ibang pasyente ng kontaminadong isda dahil sampu lamang ang kama ng maliit na pagamutan, ayon pa kay Mayor Piang.
Base sa ulat ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, posibleng kontaminadong isdang lupoy mula sa kalapit na Barangay Penansaran ay naibenta sa mga biktima.
Kasalukuyang iniimbestigahan ang apat na tindero ng nasabing isda na naibenta sa mga biktima mula sa dalawang barangay, ayon pa sa nasabing alkalde. (Ulat ni Joy Cantos)