Ex-cop itinumba sa inuman
July 11, 2005 | 12:00am
LAGUNA Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang retiradong tauhan ng pulisya ng dalawang kainuman ng alak ng biktima na ikinasugat din ng malubha ng kanyang manugang sa naganap na karahasan sa Barangay San Miguel, Alaminos, Laguna kamakalawa. Naisugod pa sa Alaminos Provincial Hospital si ex-SPO4 Joselito Banzuela, 52, subalit idineklarang patay, habang inoobserbahan naman si Rizaldy Belen, 18 na tinamaan ng ligaw na bala sa hita. Inaalam ng pulisya kung may kinalaman ang krimen sa dating trabaho ng biktima bilang intelligence officer sa Camp Vicente Lim sa Laguna. (Ed Amoroso)
LEGAZPI CITY Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang pumugang preso at ika-7 most wanted makaraang masakote ang una habang dumadalaw sa isang pasyente sa Masbate Doctors Hospital kamakalawa ng gabi. Muling nakakulong ang suspek sa dalawang kaso ng murder na si Jeremias Dy, 33, ng Barangay Lanang, Aroroy, Masbate. Ang pagkakadakip kay Dy ay matapos na ipagbigay-alam ng isang impormante sa kinauukulan ang kinaroroonan ng suspek. (Ed Casulla)
>BULACAN Tatlo-katao na pinaniniwalaang notoryus na nagpapakalat ng ipinagbabawal na gamot ang dinakma ng mga tauhan ng pulisya sa isinagawang buy-bust operation sa magkahiwalay na bahagi ng Sitio Dike, Barangay Poblacion sa bayan ng Baliuag, Bulacan kamakalawa. Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ang mga suspek na sina Arnel Silva, 21; Ramil Angeles, 31 at Everlinda Roman, 42, na pawang residente ng nabanggit na barangay. Nasamsam sa mga suspek ang hindi nabatid na gramo ng shabu at halaga na ginamit sa buy-bust operation. (Efren Alcantara)
CAVITE Apat-katao na pinaniniwalaang sangkot sa pagnanakaw ng mga alagang kalabaw ang dinakip ng mga tauhan ng pulisya makaraang ireklamo ng kanilang biktima sa Barangay Sampalok na sakop ng Dasmariñas, Cavite kamakalawa ng hapon. Kabilang sa suspek na nakapiit ngayon sa himpilan ng pulisya ay sina Jimmy Peneranda, 38; Randy Pator, 23; Rustico Alvaran, 50 at isang itinago sa pangalang Eric, 14, estudyante na pawang residente ng nabanggit na barangay. Ayon kay PO3 Edgar Belza, ang mga suspek ay inireklamo ni Remigio Rodolfo sa kasong pagnanakaw ng alagang kalabaw at ipinagbili sa Sitio Bucal. (Lolit Yamsuan)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended