Nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril si Mapandan Vice Mayor Adolfo Aquino, 56, samantalang ang drayber na si Victor Villanueva, 37, ay tinamaan sa tiyan matapos na makipag-agawan ng baril sa killer.
Nagawa pang maisugod sa Mapandan Community Hospital si Aquino, subalit idineklarang patay, binawian naman ng buhay habang ginagamot sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City si Villanueva.
Napag-alamang katatapos lamang ng regular session ng municipal council nang barilin ng malapitan si Aquino habang naglalakad at nakikipaghuntahan sa dalawang konsehal na sina Catalino Morales at Siony Calimlim kasama pa ang dalawang kaanak na sina ex-P/Supt. Pelagio Melchor at Petronila Melchor.
Natulala ang mga nakasaksi sa insidente kaya palakad na tumakas ang killer.
Ayon sa staff ni Aquino na si Jun Mejia, wala naman rumespondeng mga tauhan ng pulisya matapos na umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril, kaya naman sinibak ni PNP Chief Director General Arturo Lomibao ang buong puwersa ng pulisya sa bayan ng Mapandan kabilang na ang kanilang hepe na si P/Chief Inspector Reynaldo Tamondong. Pumalit sa puwesto si P/Chief Inspector Efren Serenilla ng group director ng 107th Provincial Mobile Group sa bayan ng Tayug.
Si Vice Mayor Aquino ay papunta sana sa Los Angeles, California kahapon para dumalo ng reunion ng kanilang angkan, subalit kinansela ng biktima para dumalo ng regular session ng konseho. (Ulat nina Eva Visperas at Joy Cantos)