Napuruhan sa ulo at hindi na umabot ng buhay sa ospital si Rolando "Dodong" Morales, 44, brodkaster ng programang "Tingog sa Barangay" (Voicer of the Village) sa ilalim ng pamamahala ng Radio Mindanao Network (RMN)-dxMD. Sugatan naman ang kaangkas sa likurang bahagi ng motorsiklo na si Letty Antigua at kasalukuyang nagpapagaling sa hindi tinukoy na pagamutan.
Sa kasalukuyan ay wala pang motibo ang nasisilip sa pananambang sa biktima at wala pang suspek na nadadakma sa walong kalalakihang naka-helmet sakay ng apat na motorsiklo.
Ayon kina P/Chief Supt. Danilo Mangila at P/Chief Inps. Rex Anongos, si Morales ay matinding bumanat sa kanyang programa laban sa modus operandi ng sindikato ng droga sa kanilang bayan at kalimitang binabatikos ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na protector ng drug dealers.
Napag-alamang papauwi na si Morales mula sa nasabing radio station nang sabayan ng apat na motorsiklong lulan ang walong hindi kilalang lalaki bago isagawa ang ambus.
Nabatid sa asawa ni Morales na bago tambangan si Dodong ay nakakatanggap na ito ng pagbabanta sa buhay.
Sa talaan, si Morales ay ika-anim na journalists na ang napapaslang sa taong kasalukuyan na nairekord ng New York based Committee to Protect Journalist at maituturing na most dangerous para sa mga mamamahayag. (Ulat nina Ramil Bajo, Joy Cantos at Artemio Dumlao)