Tricycle sinalpok ng truck: 6 patay; 1 kritikal

Camp Crame – Anim katao ang kumpirmadong nasawi makaraang aksidenteng salpukin ng isang 10 wheeler truck ang isang pampasaherong tricycle sa national highway ng Brgy. Villa Kananga, Butuan City kamakalawa.

Sa report ni Inspector Renato de Gracia, ng Traffic Management Group (TMG) ng Butuan City Police, naganap ang insidente sa national highway ng nasabing lugar bandang alas-6:20 ng umaga.

Dead-on-the-spot sa insidente ang limang pasahero ng tricycle na kinilalang sina Reynaldo Acedo, 34; Quirino Fernandez, Aida Madamba, isang di nakilalang pasaherong babae at driver nitong si Richard Anobong, 34 taong gulang.

Ang ikaanim na nasawi na di natukoy ang pangalan ay binawian ng buhay sa pagamutan habang nasa kritikal namang kondisyon sa M. J. Santos Hospital ang isa pang pasahero ng tricycle na si Ruben Quilber, 53 anyos.

Lumilitaw sa imbestigasyon, masyadong mabilis ang takbo ng Isuzu ten wheeler truck na may plakang GCZ- 164 kaya’t nawalan ng kontrol sa manibela ang driver nitong si William Becada, 39, na tuluy-tuloy na sinalpok ang kasalubong na tricycle na nagkayupi-yupi sa lakas ng pagkakabangga.

Bagsak kalaboso naman ang driver ng truck na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and physical injury. (Joy Cantos)

Show comments