Coed inatado sa simbahan

DAGUPAN CITY – Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang dating mag-syota makaraang saksakin ng lalaki ang babae sa loob ng simbahan at nagtangka naman mag-suicide ang una habang tinutugis ng pulis sa labas ng St. John Cathedral sa Burgos Street sa Dagupan City, Pangasinan noong Biyernes ng hapon.

Nasa Cuison Family Clinic ang biktimang si Michelle Soliven, 19, ng Barangay Batakil, Pozorrubio, samantalang inoobserbahan sa Nazareth General Hospital si Mark Cesar Pagal, 21, ng Barangay Mauled.

Napag-alamang si Pagal ay 2nd year college habang si Soliven ay 3rd year na kapwa estudyante sa University of Pangasinan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na aksidenteng nagkita ang dating magkasintahan sa loob ng simbahan at dahil sa pagtanggi ng dalaga na muling makipagbalikan ay nagawang saksakin ng lalaki ang dating syota sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nagkataon namang nasa loob ng nasabing simbahan si PO2 Alfonso Villamil kaya tinangkang saklolohan ang biktima, subalit nagtatakbo ang suspek palabas.

Habang tinutugis ni Villamil ang suspek ay napuna nitong may kinuha sa bulsa na botelya at agad na ininom hanggang sa biglang bumulagta ang lalaki na bumubula ang bibig.

Hindi nag-aksaya ng panahon si Villamil at mabilis na isinugod sa nabanggit na ospital si Pagal hanggang sa madiskubreng may nakatagong suicide note sa loob ng notebook ang lalaki na naka-address sa sariling ina. Nabatid na ikalawang pagtatangka ng suspek na mag-suicide at ilang kataga ang nakalagay sa suicide note tungkol sa matinding pag-ibig ng lalaki sa babae.

Hiniling din ni Pagal sa ina na gawing marmol ang kanyang libingan at nakiusap na lagyan ng naka-bitin na kalapati na nagpapatunay na namatay siya dahil sa matinding pag-ibig kay Soliven.

Binanggit pa sa suicide note ni Pagal ang paboritong awitin nito na tugtugin sa kanyang libing sakaling yumao siya. (Ulat ni Eva Visperas)

Show comments