Sa isang phone interview kinumpirma ni Joint Task Force (JTF) Commander Brig. Gen. Alexander Aleo ang pagkakaligtas ng kaniyang mga tauhan sa mga dayuhang bihag na sina Erickson Hutagaoil, 23-anyos at Yamin Labuso, 28 taong gulang.
Ayon kay Aleo sa pamamagitan ng intelligence build up simula pa nitong Sabado ng gabi ng magkakasanib na puwersa Military Intelligence Group (MIG) 9 at Armys 104th Brigade ay natukoy nilang pansamantalang nagkuta sa nasabing lugar si ASG Sub Commander Al Badir Paras tangay ang dalawang bihag na Indonesian.
Sinabi ni Aleo na sina Hutagaoil at Labuso ay nailigtas sa magubat na bahagi ng Brgy. Bud Balani, Indanan, Sulu bandang alas-2 ng madaling-araw.
Sa kasalukuyan, ayon sa opisyal ay patuloy ang kanilang search and rescue operations sa nalalabi pang ikatlong Indonesian na si Ahmad Resmiyadi, Kapitan ng na-seajack na tugboat 21 na hawak naman ng grupo ni ASG Sub Commander Salib Abdullah matapos na paghiwalayin ang mga bihag sa kagubatan ng Indanan.
Nauna nang humingi ang mga bandidong kidnappers ng $ 790,000 ransom kapalit ng kalayaan ng mga bihag.
Magugunita na ang tatlong Indonesian ay kinidnap ng mga armadong kalalakihan matapos i-seajack ang kanilang sinasakyang tugboat 21 sa karagatan ng Makating Island sa pagitan ng Sitangkai, Tawi-Tawi at Lahad Datu, Sabah, Malaysia noong nakalipas na Marso 30.