City treasurer itinumba

CAMP AGUINALDO – Itinumba sa harapan ng kanyang asawa at apo ang isang ingat-yaman ng Dumaguete City Hall matapos pagbabarilin ng dalawang ’di pa nakilalang armadong salarin sa naganap na karahasan sa lungsod, ayon sa ulat kahapon.

Idineklarang patay sa Negros Oriental Provincial Hospital ang biktimang si Erlinda Tumongham, 62, officer-in-charge treasurer sa pamahalaang lungsod ng Dumaguete.

Base sa ulat, dakong alas-5:25 ng hapon habang papasok na ang biktima sa gate ng kanilang bahay nang pagbabarilin ng dalawang armadong kalalakihan.

Nabatid na nasa garahe ng kanilang bakuran ang mister ng biktima na kinilalang si Rosaldo at 15-anyos nilang apo na si Mark Marikit na akmang sasaklolo, subali’t tinutukan ang mga ito ng baril at tinakot ng mga suspek.

Bunga nito, napatakbo ang maglolo sa loob ng kanilang bahay sa pangambang sila ang isunod na barilin ng mga salarin.

Sunud-sunod pang putok ang umalingawngaw na tumapos sa buhay ng biktima habang mabilis namang nagsitakas ang mga suspek lulan ng motorsiklong Honda na walang plaka patungo sa hindi pa malamang destinasyon. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments