Kinilala ni P/Supt. Victoriano Caragan, operations chief ng MIMAROPA PNP, ang mga biktima na sina: Capt. Eddax Agraviador, Co-pilot Ron Simon at dalawang pasaherong sina Harry Poligado at Victor Suico.
Dead-on-the-spot ang mga biktima matapos bumagsak ang eroplanong twin engine Bonanza na pagmamay-ari ng Royal Air Charter Plane na may body number na RPC-364.
Base sa ulat, bandang alas-11:20 ng umaga ng masiraan at bumagsak ang nasabing eroplano sa taniman ng niyog ilang minuto matapos mag-takeoff sa paliparan ng nasabing lugar.
Napag-alamang hindi natuloy ang paglipad ng grupo na may lulang mga isda kahapon dahil may diperensya ang makina at pinilit lang umanong ayusin para makabiyahe ngayong araw.
Patungong Maynila ang eroplano ng mga biktima na lulan ang mga isda na pag-aari ng Kenneth Aqua Marine nang maganap ang trahedya.
Ito na ang pang-anim na insidente ng pagbagsak ng light plane ngayong taon kung saan ang pinakahuli ay ang naganap sa Baguio City noong May 24, 2005 na ikinamatay ng apat na Philippine Air Force Officers. (Ulat nina Arnell Ozaeta, Joy Cantos at Butch Quejada)