2 sundalo patay sa landmine ng Abu

Camp Aguinaldo – Dalawang sundalo ang kumpirmadong nasawi, isa ang nawawala habang dalawa pa ang nasugatan makaraang masabugan ng landmine na hinihinalang itinanim ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa Indanan, Sulu kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang dalawang nasawi na sina Pfc Edwin Antolin at Pfc Bienvenido Parilla habang nawawala naman si Sgt. Semproniano Lendio.

Ang mga nasugatan na ini-airlift na sa AFP-Southcom Hospital sa Zamboanga City para malapatan ng lunas ay nakilala namang sina Sgts. Leonardo Hilare at Adonis Canobida.

Sa isang phone interview kay Joint Task Force Comet Commander Brig. Gen. Alexander Aleo, dakong alas-4:30 ng hapon habang bumabagtas ang mga tauhan ng Army’s 75th Infantry Battalion (IB) sa Brgy. Kogtong, Indanan ng maganap ang pagsambulat ng landmine.

Ayon kay Aleo ang mga sundalo ay kasalukuyang pabalik na sa kanilang base sa Lanao Dakula matapos ang mga itong kumuha ng supply ng mahulog sa patibong ng Abu Sayyaf.

Hinihinala namang ang grupo ni Abu Sayyaf Sub-Commander Talih Salih ang nasa likod ng insidenteng ito habang patuloy ang hot pursuit operations ng militar sa mga bandido. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments