Kinilala ni P/Senior Supt. David Quimio, hepe ng PNP Lipa ang mga namatay na sina: SPO1 Noel Mendoza, 42, imbestigador sa Lipa PNP; NAKTAF agents Army Sergeant Romeo Loresca, 39, ng Calabanga, Camarines Sur at civilian agent Andy Malabanan, 31, ng Barangay Pagaspas, Tanauan City.
Sina Loresca at Malabanan ay mga miyembro ng Anti Crime Task Force (ACTF), isang operational arm ng NAKTAF na nakabase sa Camp Aguinaldo, ayon na rin kay Quimio.
Sa ulat, bandang ala-una ng madaling-araw ay papalabas na ang mga Naktaf agent sa Gimikero Videoke Bar sa Barangay Balintawak matapos mag-inuman nang aksidenteng mabunggo ni Loresca ang papasok namang si SPO1 Mendoza na nagresulta ng mainitang pagtatalo.
Nag-ugat ang barilan, ayon na rin sa police report, nang tangkain agawin nina Loresca at Malabanan ang baril ni Mendoza na nakasukbit sa kanyang beywang.
Habang nagbubuno ang tatlo, nabunot ni Mendoza ang kanyang service firearm (9mm) at sunud-sunod na pinaputukan sina Loresca at Malabanan na kapwa naman tinamaan sa dibdib.
Kahit may tama sa katawan at bago malagutan ng hininga, nakaganti naman ng putok ang dalawang agent at napatay si Mendoza matapos magtamo ng apat na tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Nadamay din ang isang sibilyan na si Arnold Padera, 33, na nakaupo sa katabing lamesa matapos tamaan ng ligaw na bala sa kanyang kaliwang binti at ginagamot na sa Lipa Medix Hospital.
Samantala, isa pang kasamahan ng mga NAKTAF agent na nakilalang si Sergeant Romeo Bautista III, miyembro ng Philippine Airforce ay dinakip ng mga nagrespondeng pulis at kasalukuyang nakakulong ngayon sa himpilan ng Lipa City PNP sa kabila ng pagtanggi sa partisipasyon sa nasabing shootout. (Ulat nina Arnell Ozaeta, Ed Amoroso at Joy Cantos)