Misis kinatay ng ka-live-in

ANTIPOLO CITY – Pinagsasaksak hanggang sa mapaslang ang isang 28-anyos na misis ng kanyang ka-live-in partner sa harapan ng kanilang 3-anyos na anak habang nakasakay ang mga ito sa traysikel kahapon ng umaga sa Barangay San Luis ng lungsod na ito.

Dalawampung tusok ng patalim ang tumapos sa buhay ni Annabell Lonsaga mula sa suspek na si Christopher Natal, 30, na kapwa naninirahan sa Sitio Bubukal sa nabanggit na barangay.

Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Marvin Yim, naitala ang krimen dakong alas-11:45 ng umaga habang binabagtas ng mag-anak ang kahabaan ng Sitio Patnubay, sakay ng kanilang traysikel na minamaneho ng biktima.

Habang nag-uusap ang magka-live-in partner ay naungkat ang balak na pakikipaghiwalay ng biktima sa suspek dahil sa pagiging adik nito sa droga at kawalan ng trabaho.

Dahil sa tinuran ng biktima ay nagalit ang suspek hanggang sa humantong sa mainitang pagtatalo.

Agad namang inihinto ng biktima ang minamanehong traysikel upang makapag-usap ng matino, subalit inundayan na ito ng sunud-sunod na saksak ng patalim habang pinanonood sila ng kanilang anak na babae.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ng suspek, subalit ilang oras ang nakalipas ay naaresto rin sa isinagawang follow-up operation ng pulisya. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments