Hindi na umabot ng buhay sa General Trias Pediatric and Maternity Hospital ang biktimang si Seok Soo Lee, vice president ng Keyrin Electronics, Inc. na nakabase sa Phase 2, EPZA, Rosario, Cavite. Base sa pagsisiyasat nina SPO4 Margarito Alba at SPO3 Ramon Legaspi Jr., lulan ang biktima ng Nissan Cefiro (XNX-617) na minamaneho ni Ericson Dimaandal patungong EPZA nang masagi ng motorsiklo ang kanang side mirror ng nasabing kotse malapit sa Binakayan-Tejeros Bypass Road sa nabanggit na barangay.
Ayon pa sa ulat, bumaba ang drayber para suriin ang nasaging side mirror, subalit biglang lumapit ang dalawang hindi kilalang armadong lalaki at nagdeklara ng holdap.
Ang isa sa tatlo ay lumapit naman sa biktima na nasa loob ng kotse at pilit na hinihingi ang attaché case na naglalaman ng malaking halaga.
Tumanggi namang ibigay ng Koreano ang kinalalagyan ng pera, kaya binaril siya sa kanang hita na ikinasawi nito dahil na rin sa pagkaubos ng dugo.
Agad na nagsitakas ng tatlong holdaper lulan ng Toyota Corolla (PBX-417) na kanilang hinarang at pinahaharurot patungong bayan ng Tanza.
Masusi namang sinisiyasat ang drayber na si Dimaandal na posibleng kasabwat ng tatlong holdaper. (Ulat nina Cristina Timbang, Lolit Yamsuan at Arnell Ozaeta)