Sa ipinadalang opisyal na liham ni Calimlim kay Subic Port Customs Collector Atty. Marietta Zamoranos, nakasaad na hindi maaaring maimplementa ang kautusan ni Commissioner Lina sa ipinalabas na memo no. 16-2005 na sakop din sa ilalim ng Republic Act No. 8506 (total ban), hindi pagtanggap sa mga RHD na ipinapasok dahil sa freeport status nito.
Nakasaad din sa liham ni Calimlim na kailanman ay hindi maaaring sakupin ng memorandum order ni Lina sa pagbabawal nito na mag-angkat ng used vehicles sa ibang bansa sapagkat taliwas ito sa kasalukuyang ipinapatupad na Republic Act 7227 ng freeport.
"To clarify our stand, we would like to refer to Congress committee report that concluded that no pertinent and existing law is violated when right-hand drive vehicles are imported and converted in the Subic Economic Zone," pahayag pa ni Calimlim.
Idinagdag pa ni Calimlim, na ang bawat right-hand drive (RHD) na ipinapasok sa bansa ay maaaring ilabas at dalhin uli sa ibang bansa kapag sumailalim sa konbersyon sa left-hand drive bago papayagang gamitin sa mga pangunahing lansangan.
Kaugnay nito, ay tila nakahanap ng kakampi ang mga importers na nakabase dito sa isyu ng usapin ng importasyon ng mga RHD sa ilalim ng katauhan ni Calimlim na dati ay kontra sa pagpasok ng RHD sa freeport dahil sa smuggling. (Ulat ni Jeff Tombado)