Ayon kay Col. Buenaventura Pascual, Chief ng AFP-Public Information Office, dakong alas-5:30 ng umaga ng magkaroon ng mainitang palitan ng putok ang tropa ng Armys 56th Infantry Battalion (IB) sa pamumuno ni Lt. Oliver Ikid at ang tinatayang 40 rebelde sa Brgy. Balaong, San Miguel, Bulacan. Ang mga rebelde ay pinamumunuan ni Mamerto Trinidad alyas Ka Meo ng Kilusang Larangan Guerilla na namonitor ang presensiya sa lugar dakong alas-2 ng madaling araw.
Sinabi ni 56th IB Commander Lt. Col. Noel Clement, sampu sa mga rebelde ang nasawi sa mainitang palitan ng putok base na rin sa ibinigay sa kanilang impormasyon ng mga residente sa lugar.
Habang nagsisiatras sa labanan ay niratrat naman ng isang grupo ng mga rebelde ang checkpoint ng pulisya sa Brgy. Sampaloc, San Rafael, Bulacan may 30 kilometro ang layo sa bayan ng San Miguel na ikinasawi ng dalawang pulis habang dalawa pa ang nasugatan.
Kinilala ang mga nasawing pulis na sina SPO3 Amante Poma at SPO1 Benito Deticio samantalang ang mga sugatan ay sina PO3 Juan Cunanan at PO2 Jericho Redon; pawang ng 306th Provincial Police Mobile Group (PPMG).
Ayon kay Clement, ang mga nasugatang sundalo ay tinukoy nito na sina Pfc Malanay at Pfc. Carolino.
Sinabi naman ni Major Gen. Romeo Tolentino, Commander ng Armys 7th Infantry Division, ang sagupaan ay bunsod ng puspusang pagbibigay ng impormasyon ng mga sibilyan na sawang-sawa na sa pandarahas ng mga rebelde. (Dagdag na ulat ni Christian Ryan Sta Ana )