Nasawi sa duwelo ng baril ay si SPO2 Ernesto Manuel Hernandez ng Barangay San Vicente, Tarlac City at kasalukuyang officer-in-charge sa Police Community Precinct 2 sa Barangay Sto Cristo.
Kritikal naman ang kalagayan ni SPO1 Danilo Ramales Ibe, 43, ng Barangay Padapada sa bayan ng Sta. Ignacia, Tarlac at kasamahan sa trabaho ni Hernandez sa PCP 2.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Oscar Catalan, Tarlac provincial director, magkasamang nakikipag-inuman ng alak ang dalawang pulis katabi ang security guard na si Romeo Asio.
Matapos na makainom ng ilang bote ng alak ay nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang pagkaibigang pulis hanggang sa humantong sa barilan.
Unang bumunot ng baril si SPO1 Ibe at sunud-sunod na umalingawngaw ang putok hanggang sa bumulagta si SPO2 Hernandez.
Kahit maraming tama ng bala ng baril sa katawan ay nagawang makabunot ng baril ni SPO2 Hernandez at pinaputukan naman si SPO1 Ibe ng ibat ibang bahagi ng katawan.
Kapwa isinugod sa malapit na ospital, subalit idineklarang patay si SPO2 Hernandez.
"Magkaibigang matalik sina SPO2 Hernandez at SPO1 Ibe dahil matagal na nagkasama sa PCP 2, pero sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nagkatalo," dagdag pa ni Catalan.
Ipinag-utos naman si P/Chief Supt. Rowland Albano, Central Luzon police director na sampahan ng kasong administratibo at kriminal si SPO1 Ibe. (Ulat nina Ric Sapnu at Resty Salvador)