Mag-biyanan pinatay muna bago pinagnakawan

CABANATUAN CITY — Binaril at napatay ang mag-biyanang matanda ng mga hindi kilalang lalaki makaraang pasukin ang kanilang tahanan at tangayin ang malaking halaga at alagang hayop sa Purok 1, Barangay Macatbong sa nabanggit na lungsod noong Lunes ng gabi.

Bukod sa tama ng bala ng baril sa katawan ay may palatandaang sinaktan ang mga biktimang sina: Aquilina G. Alejo, 81; at Benjamin M. de Jesus, 59.

Samantalang nakaligtas naman ang apo na si Jesner de Jesus matapos na magtungo sa kanilang kapitbahay na nakadiskubre sa krimen.

Ayon kay P/Supt. Jesus G. Descanzo, PNP chief sa Cabanatuan, tinangay ng mga suspek ang halagang P50,000 at tatlong alagang baboy.

Base sa ulat ng pulisya, nakarinig ng dalawang sunod na putok ng baril mula sa bahay ng mga biktima ang kapitbahay na si Jane Sunico, subalit binalewala nito dahil sa pag-aakalang nagpapaputok ng baril ang kanilang kapitbahay na security guard hanggang sa kumalat ang balitang pinaslang ang dalawa. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments