Kinilala ni Dino Zabala, officer-in-charge administrator ng Tondaligan Park, ang mga biktima na sina Romar Velaria, 15, magtatapos sa high school sa Lunes, Abril 18; kapatid na si Rommel 14, 2nd year high school; mga pinsang Nestea delos Santos, 16 at Bernardo Ferrer Jr., 17, na pawang naninirahan sa Maligaya Street sa Barangay Doyong, Calasiao, Pangasinan.
Base sa ulat, dumating ang mga biktima na kasama ang ilang miyembro ng pamilya sa nabanggit na beach bandang alas-5:45 ng umaga.
Bago mag-swimming ang mga biktima ay magkakasamang nagpakuha ng litrato bilang souvenir sa Tondaligan Beach, ngunit bandang alas-6:20 ng umaga ay napaulat na nalunod ang apat na tinedyer.
Sa naging pahayag ni Toribio Tobia, 39, isa sa kasamang naligo ng apat, na nagpipilit na humawak ang apat sa kanyang braso habang nasa ilalim sila ng tubig, subalit sa lakas ng current ng tubig ay biglang naglaho ang mga biktima.
Nagtulung-tulong na ang mga volunteer life savers at ilang kagawad ng pulisya na suyurin ang ilalim ng tubig-dagat, subalit walang narekober na bangkay maliban sa short pants na pinaniniwalaang isa sa mga biktima. (Ulat ni Eva Visperas)