Ambush: 6 kawal todas

TACLOBAN CITY – Anim na kawal ng Philippine Army kabilang na ang isang tinyente ang kumpirmadong napaslang makaraang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) habang nagpapatrulya ang mga biktima sa bulubunduking sakop ng Barangay Camlongan at Sinalangtan sa bayan ng Calbiga, Samar kamakalawa.

Kabilang sa napatay na mga tauhan ni Col. Rey Lanuzo ay nakilalang sina Lt. Williamson Tan ng Zamboanga City; Staff Sgt. Raul Cortina; Sgt. Lemuel Introliza; Cpl. Jesus Garrido; Pvt. Felix Anob at Pvt. Dionisio Acanto na pawang nakatalaga sa 62nd Infantry Battalion na nakabase sa Calbiga.

Base sa ulat, nagsasagawa ng clearing at combat operations ang tropa ni Tan sa dalawang barangay dahil napaulat na patuloy na namamalagi ang mga rebelde sa ilalim ng Efren Martere Command.

Lingid sa kaalaman ng mga kawal ay naka-posisyon na pala ang mga rebelde sa itaas na bahagi ng bundok para abangan ang mga biktimang sundalo.

Inamin ni Lanuzo na hindi nakaganti ang kanyang mga tauhan laban sa mga rebelde dahil sa pagkakasopresa.

Tinangay ng mga rebelde ang mga kagamitang pandigma ng mga nasawing kawal bago nagsitakas sa hindi nabatid na direksyon.

Kasunod nito ay nagpadala na ng reinforcement troops at karagdagang tropa ng militar si Major General Jovito Palparan, commanding officer ng Army’s 8th Infantry Division na nakabase sa Camp Lukban Maulong, Catbalogan, Samar para halughugin ang nasabing kagubatan.

Napag-alamang ang dalawang nabanggit na barangay ay ilan lamang sa 479 barangay sa Eastern Visayas region ang napasok na ng mga rebeldeng NPA.

"Normal lang ito sa mga nagtatrabahong kawal natin, since expose sila hindi katulad ng mga kalaban (NPA rebs) na tagu nang tago at tayo naman ang naghahanap," dagdag pa ni Palparan. (Ulat nina Miriam Desacada at Angie dela Cruz)

Show comments