Nakialam sa away kinatay

ANTIPOLO CITY — Pinaniniwalaang pakikialam sa away ng mag-aama kaya pinagtataga hanggang sa mapatay ang isang 32-anyos na lalaki sa Barangay San Jose ng lungsod na ito kamakalawa ng gabi. Animo’y kinatay na hayop ang biktimang si Eduardo Pilapil ng Sitio Sampalukan ng nabanggit na barangay. Tinutugis naman ng pulisya ang mga suspek na sina: Arnold Ardales, 45, mga anak na sina Joseph; Ronald at Bernardo na pawang kapitbahay ng biktima. Ayon sa ulat, bandang alas-6:30 ng gabi nang mamataan ng biktima na nag-aaway ang mag-aama na may hawak pang itak. Dahil sa kapitbahay ay nagkusang umawat, subalit siya ang pinagtulungang gulpihin at pagtatagain. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments