2 pulis, 10 pa tiklo sa pangongotong sa trader

CALAMBA CITY – Labindalawa katao kabilang na ang dalawang pulis na pinaniniwalaang miyembro ng SWAT team ang inaresto ng pulisya makaraang maaktuhang nangongotong sa isang negosyante kamakalawa ng hapon.

Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal sa Calamba city jail ang mga suspek na sina P02 Ernesto Fitra at PO2 Evaristo Saranguit, na kapwa nakatalaga sa SWAT team na nakabase sa Fort Sto, Domingo, Sta. Rosa, Laguna.

Sampu namang nagpakilalang rebeldeng NPA ang naaresto na kinilalang sina Felicisimo Anglo, Simeon Mayuga, Caesar Pascua, Hipolito Aquino, Donald Aguilar, Michael Galando, Antonio Mabbad Arturo Vivites, Joseph Reyes at Juanito Evidente.

Sa ulat ni P/Supt. Edmund Zaide, police chief, kay P/Sr.Supt. Jaime Calungsod, provincial director, bandang ala-una ng hapon nang palihim na nakatawag sa kaniyang tanggapan si Fetro Pascua, may ari ng Coronet Scrap na nasa Barangay Bucal hinggil sa sapilitang panghihingi ng pera ng mga suspek, kasabay ang pananakot na ililikida kung hindi magbibigay ng malaking halaga.

Mabilis namang umaksyon ang mga kagawad ng pulisya na palihim na nakalapit sa nasabing lugar at naaktuhan ang grupo habang tinututukan ng baril si Pascua.

Nagtangka pang lumaban ang mga suspek, subalit natigilan lamang ang mga ito nang makitang marami ang rumesponde.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang 9mm; 1 cal. 45, 1 M-16, 1 UZI at santambak na bala, P.1 milyon halaga ng tseke at P.9-milyong cash. (Ulat ni Arnell Ozaeta)

Show comments