Kasalukuyang pinipiga para makakuha ng impormasyon mula sa nadakip na suspek na si Fawas Zi Ajjur alyas Ajoor na walang maipakitang entry visa matapos na dumating sa bansa sakay ng South Phoenix Airways (Flight SP 807) mula sa Sandakan, Malaysia, ayon kay Immigration Commissioner Alipio Fernandez Jr.
Si Ajjur ay pinaniniwalaang alipores (henchman) ni al-Qaeda chieftain Osama bin Laden.
Naguguluhan ang mga imbestigador sa sinabing ruta ni Ajjur dahil siya ay nagmula sa Russia bago tumulak ng Thailand at sumakay ng train sa Malaysia at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay sumakay ng eroplano patungong Zamboanga.
Napag-alaman sa isang opisyal na tumangging magpabanggit ng pangalan, na positibo naman kinilala ng dalawang nakakulong na Abu Sayyaf na si Ajjur ang nagturo sa mga bandidong ASG na gumawa ng bomba malapit sa bayan ng Patikul may ilang taon na ang nakalipas.
Pinabulaanan naman ni Ajjur ang mga akusasyon sa kanya ng mga awtoridad
May teorya ang mga awtoridad na bumalik si Ajjur sa bansa upang lalong sanayin ang iba pang kasapi ng Abu Sayyaf sa paggawa ng bomba o kaya makibahagi sa isasagawang pag-atake.
Ang Abu Sayyaf ay siyang itinuturong nasa likod ng madugong mga pag-atake kabilang na ang pambobomba sa Superferry 14 na kumitil ng buhay ng may 118 katao noong Pebrero 27, 2004.
Samantalang ang naturang bandidong grupo rin ang umako sa serye ng pambobomba noong Valentines Day sa mga lungsod ng Makati, General Santos at Davao na kumitil sa buhay ng 8 katao habang 154 pa ang nasugatan.
Nanatili naman alerto ang buong puwersa ng kapulisan para sa seguridad ng mga delegado ng International Parliamentary Union (IPU) na magpupulong sa Maynila sa isang linggo. (Ulat nina Grace A. Dela Cruz at Joy Cantos)