Army captain binaril ng sinapak na tinyente

Camp Aguinaldo – Naging mitsa ng kamatayan ng isang Army Captain ang ginawa nitong pananapak sa isang tinyente matapos na mairita ang huli at pagbabarilin ang nakatataas nitong opisyal sa Calbiga, Samar, ayon sa ulat kahapon.

Dead-on-the-spot ang biktimang kinilalang si Captain Crisante Dueñas, matapos magtamo ng mga tama ng bala ng M16 rifles sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang suspek na boluntaryo namang sumuko bitbit ang armas na ginamit sa pagpatay sa biktima ay nakilala namang si 2nd Lt. Lorcy Arcaya.

Batay sa ulat, naganap ang insidente sa himpilan ng Tactical Command Post (TCP) na nakabase sa Brgy. Panayuran, Calbiga, Samar bandang alas-10:05 ng gabi.

Ayon sa imbestigasyon, kararating lamang ni Arcaya sa nasabing himpilan matapos itong italaga bilang Ex- Officer ng Charlie Company ng pa-arogante itong tawagin ni Dueñas na matapos magpakilala ay pinagsusuntok pa sa dibdib ng ilang beses.

Sa puntong ito ay tuluyang nagdilim ang isip ng nasaktang si Arcaya na agad ikinasa ang kaniyang M 16 rifle at pinagbabaril ang biktima. (Joy Cantos)

Show comments