Dead-on-the-spot ang biktimang si Marlene Esperat, 45, ng Midland Print Media at residente ng Canos Subdivision, Brgy. New Isabela, Tacurong City.
Batay sa ulat na natanggap ng Philippine Natl Police Headquarters (PNP HQ), naganap ang insidenteng nasaksihan pa umano ng mga anak ng biktima dakong alas-7:00 ng gabi sa loob ng bahay nito.
Nabatid pa sa ulat na bago naganap ang pamamaslang ay madalas umanong nakikitang nag-uusap ang biktima at ang hindi pa pinapangalanang mga suspek .
Hindi naman malinaw sa natanggap na ulat kung ano ang kaugnayan ng biktima sa mga suspek.
Nakatakdang magpalabas ng artist sketch ang pulisya laban sa mga hinihinalang supek.
Si Esperat ay lumilitaw na ika-70 sa mga napaslang na mamamahayag simula pa noong 1986 at pinakahuling itinumba sa lalawigan ng Sultan Kudarat na mabilis na nakikilala bilang killing fields ng mga taga-media. (Ulat ni Angie dela Cruz)