Lolo napatay dahil sa alak
BULACAN Inundayan ng sunud-sunod na saksak hanggang sa mapatay ang isang 60-anyos na lolo ng kainuman ng alak dahil sa pandaraya sa tagayan kamakalawa ng gabi sa Barangay Sta. Rita, Guiguinto, Bulacan. Naisugod pa sa ospital pero hindi na umabot ng buhay ang biktimang si Jose Gapos, samantalang tinutugis naman ng pulisya ang suspek na si Armando Calag ng nabanggit na barangay. Ayon sa pulisya, naitala ang insidente dakong alas-9 ng gabi nang mapansin ng suspek na nandaraya ang biktima sa tagayan ng alak. Dahil sa kapwa lango sa alak ang dalawa ay nagkasigawan hanggang sa mapatay ang biktima. (Ulat ni Efren Alcantara)