Lalaki kinatay, ininom ang dugo

MALASIQUI, Pangasinan — Nagmistulang aswang ang isang lalaki makaraang katayin ang kanyang bayaw ay ininom pa nito ang dugo ng biktima kamakalawa sa Barangay Barang ng nasabing bayan. Sa naantalang ulat ni P/Supt. Leopoldo Rivera, police chief ng Malasiqui PNP, ang biktimang si Jerry Oficial, 38, ay nanonood ng telebisyon sa sariling bahay kasama ang kanyang misis na si Perla nang biglang pumasok ang senglot na suspek na si Alberto Caldona.

Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay agad na inundayan nang hawak na itak ang biktimang nakaupo na halos humiwalay ang ulo sa katawan. Ayon sa asawa ng biktima, nasaksihan niya kung papaano ininom ng suspek ang dugo ng kanyang mister matapos ang pamamaslang. Wala namang history ng mental disturbance ang suspek maliban sa sangkot siya sa nagaganap na away sa kanilang barangay, ayon pa kay Rivera. (Ulat ni Eva Visperas)

Show comments