Kinilala ang tatlo sa limang suspek na nadakma at nahaharap ngayon sa kasong kriminal at administratibo ay nakilalang sina Julito Paltep; Danny Bernabe kapwa inhinyero at si Redentor Agbayani, empleyado bilang driver at welder ng DPWH, kabilang ang dalawa pa.
Sa ulat ni Chief Inspector Francisco Palattao, hepe ng Solano PNP, ang pagkakadiskubre sa bentahan ng ilang bakal na ginagamit para sa paggawa ng tulay ay matapos mamataan ng ilang residente ang sasakyan ng DPWH na laging nagdadala ng ilang bakal sa isang junkshop.
Dahil dito ay agad pinostehan ng pulisya ang Andys Junkshop sa Barangay Roxas hanggang sa mamataan uli ang nasabing red plate na sasakyan na minamaneho ni Agbayani sa aktong pagbebenta ng apat na pirasong Hino steel I-beams at iba pang piraso ng mga bakal.
Ayon kay Palattao, ang pagkasangkot ng dalawang inhinyero ay matapos nilang tangkaing ayusin ang nasabing kaso kasabay ang pagbabanta pa ng isang inhinyero na patatanggal sa serbisyo ang mga operatiba ng pulisya na dumakip sa nasabing sasakyan ng DPWH.
Sa naging pahayag ni Rodolfo Alday, director ng DPWH-Cagayan Valley na agad nagtungo sa himpilan ng Solano PNP upang personal na bisitahin ang nahuling sasakyan at agad nagpalabas ng kautusang imbestigasyon ang limang kawani ng DPWH na umanoy nagbebenta ng mga bakal para sana sa Maddiangat bridge.
Idinagdag naman ni Palattao na posible rin na masali sa kaso ang may ari ng junkshop na bumili ng mga bakal na nakilalang si Daisy Martinez. (Ulat ni Victor Martin)