Kinilala ni P/Senior Supt. David Quimio, Lipa City PNP chief, ang mga nasawing biktima na sina: Kenney Hernandez, traffic enforcer ng Traffic Management Division at Gil Castillo alias "Boy Baguio", executive assistant II sa Lipa City Hall.
Sa ulat, si Hernandez ay dead-on-the spot, habang si Castillo ay binawian ng buhay sa pinagdalhang ospital dahil sa tama ng bala ng baril sa dibdib at ulo.
Ginagamot naman sa Lipa Medix Hospital ang malubhang nasugatang si Rex Bobis, isang messenger sa city hall.
Sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-9:45 ng umaga, ang mga biktima ay magkakasamang nag-almusal sa karinderya malapit sa Lipa City Hall nang lapitan ng dalawang hindi kilalang lalaki.
Agad na inupakan sina Hernandez at Castillo habang sumusubo ng pagkain sa lamesa ng karinderya.
Si Bobis na nakaupo malapit kina Hernandez at Castillo ay tinamaan ng ligaw na bala ng baril at mabilis na isinugod sa nabanggit na ospital.
Ayon sa mga nakasaksi, palakad na tumakas ang dalawang hindi kilalang lalaki at sumakay sa nakaparadang motorsiklo sa hindi kalayuan sa pinangyarihan ng karahasan bago pinaharurot sa hindi nabatid na direksyon.
Narekober ng pulisya ang 12 basyo ng kalibre .45 baril. Kasalukuyang sinisilip ng pulisya ang ilang anggulo na may kaugnayan sa pamamaslang. (Ulat nina Arnell Ozaeta at Joy Cantos)