Sa isang phone interview, kinilala ni Police Regional Office (PRO) 3 Director P/Chief Supt. Rowland Albano ang biktima na si Fr.William Tadena, 37-anyos, isang pari ng Philippine Independent Church na aktibo sa militanteng grupo ng Bayan Muna at Anakpawis.
Ang biktima ay binawian ng buhay habang isinusugod sa Central Luzon Doctors Hospital matapos mapuruhan ng tama ng bala sa ulo at dibdib na pinaniniwalaang mula sa cal. 45 pistol.
Ayon kay Albano ang mga nasugatan na pawang kasamahan ni Tadena sa Aglipayan Church ay nakilala namang sina Carlos Barsolaso, 38 at Charlie Gabriel, 24; pawang nilalapatan pa ng lunas sa nasabing pagamutan. Nakaligtas naman sa insidente ang kasamahan ng mga itong si Ervina Domingo, 20-anyos.
Kasabay nito, sinabi ni Albano na kaagad siyang bumuo ng Task Force upang mag-imbestiga sa kaso habang nagpalabas na rin ng P50,000 reward para sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon sa ikadarakip ng mga killers ng biktima.
Nabatid sa opisyal na ang karahasan ay naganap sa pagitan ng alas-8:30 at 9 ng umaga habang ang biktima ay kagagaling lamang mula sa pagsesermon sa kanilang simbahan na matatagpuan sa Brgy. Guevarra, La Paz ng pagbabarilin ng mga armadong lalaki.
Bigla na lamang sumulpot sa lugar ang mga armadong lalaki at matapos paulanan ng punglo ang mga biktima ay mabilis na nagsitakas. Iniimbestigahan pa ang kasong ito.