Secretary general ng Bayan Partylist itinumba

BAGUIO CITY – Binaril sa batok at napatay ang isang mataas na opisyal ng BAYAN Partylist ng hindi kilalang lalaki habang ang biktima ay naglalakad sa kahabaan ng 3rd Kayang Street sa Baguio City kamakalawa ng hapon. Lumagos ang bala ng 9mm sa kanang sintido ng biktimang si Romeo Sanchez na kasalukuyang secretary general ng militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa Region 1.

Nabatid na si Sanchez ay brodkaster sa dzNL na nakabase sa San Fernando City, La Union at isa ring ex-political detainee na minsang napasama sa tinaguriang Abra 13, ang talaan ng mga suspek na responsable sa pagpatay kay dating rebel Catholic Priest at Cordillera People’s Liberation Army leader Conrado Balweg.

Sa ulat na isinumite kay P/Sr. Supt. Isagani Nerez, police provincial director, bandang alas-4:10 ng hapon nang dumating sa Baguio City ang biktima na may kasamang dalawang kaibigan mula sa bayan ng Agoo sa La Union. Bandang alas-5:10 ng hapon habang naglalakad at namimili sa ukay-ukay ang biktima ay malapitang pinaputukan sa batok at duguang bumulagta, ayon pa sa ulat.

Positibo naman si Nerez na ang biktima ay sinundan mula sa bayan ng Agoo patungong Baguio at posibleng ang killer ay may kasama na ang pakay ay patayin si Sanchez.

Ayon sa mga nakasaksi ang killer ay walang anumang suot na maskara at palakad na tumakas matapos isagawa ang pamamaslang. (Ulat ni Artemio Dumlao at Joy Cantos)

Show comments