Sa isang exclusive interview kahapon, ang biktima ay kinilala ni Dra. Cynthia Guevarra, chief of clinics ng BGH, na si Angelito Jake Cornelio na nagtamo ng 2nd degree burns sa mukha na bagamat sinikap pang isalba ay nasawi rin ito matapos ang 24-oras noong Marso 1, 2005.
Napag-alaman, na kulang sa buwan ang sanggol na ipinanganak ni Michelle Vetus-Cornelio, 24, ng Barangay Ipag, Mariveles noong Pebrero 1, subalit sa kakulangan nga ng araw ay premature kayat inilagay sa modernong incubator.
Unti-unti naman sumigla ang sanggol kayat inilipat sa isang improvised incubator at kinabitan din ng improvised oxygen hood.
Ayon kay Dra. Guevarra, noong Pebrero 28 ng gabi ay aksidenteng sumiklab ang droplight ng improvised incubator at nahagip ang oxygen na nakakabit kayat nasunog ang mukha ng sanggol.
Ikinuwento ng doktora na nagkataon na isang nanay ang nagpapadede sa kanyang sanggol sa loob ng NICU nang makita nito na nagliyab ang nakakabit na oxygen sa biktima kayat nagsisigaw ito.
Kaagad naman rumesponde ang nag-iisang nurse on-duty na si Marivic Pulido na nooy inaasikaso naman ang isang sanggol na bagong silang pa lamang at agad na hinugot ang nakakabit na oxygen sa biktima at isinugod sa infirmary.
Agad na sinuri ang sanggol na nasunog ang mukha bago nilapatan ng lunas, subalit hindi na nakayanan ng biktima at tuluyang namatay. (Ulat ni Jonie Capalaran)