Pulis vs pulis: 2 patay, 1 pa grabe

BULACAN – Dalawang tauhan ng pulisya ang iniulat na nasawi habang isa naman ang nasa kritikal na kondisyon makaraang magbarilan ang mga biktima sa Barangay Caingin na sakop ng San Rafael, Bulacan kamakalawa ng madaling-araw.

Kabilang sa namatay ay sina: PO1 Allan Tupaz at PO1 Erikson Bernales ng PNP Regional Office-8, habang kritikal naman si PO1 Rolly Galasi.

Napag-alamang sinita ng grupo ni PO1 Tupaz si PO1 Bernales bandang ala-una ng madaling-araw habang nagpapatrulya sa nabanggit na barangay.

Dahil sa nakasuot lamang ng sibilyan si PO1 Bernales habang naglalakad na may kasama pang dalawang lalaki ay nagpakilala itong pulis sa grupo ni PO1 Tupaz.

Subalit sa hindi maipaliwanag na dahilan at pinaniniwalaang diskumpiyado ang grupo ni PO1 Tupaz sa grupo ni PO1 Bernales ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa magkapormahang bumunot ng baril ang magkabilang panig.

Sunud-sunod na alingawngaw ang narinig ng mga residente at makaraang mahawi ang usok ay duguang nakabulagta ang dalawang pulis habang kritikal naman si PO1 Galasi. (Ulat nina Efren Alcantara at Angie dela Cruz)

Show comments