2 todas sa plane crash
February 20, 2005 | 12:00am
CAMP VICENTE LIM, Laguna Dalawang piloto ang iniulat na kinalawit ni kamatayan makaraang bumagsak ang sinasakyan nilang eroplano sa plantasyon ng mani sa Sitio Longos, Barangay Tangal, Lubang Island, Occidental Mindoro kahapon ng umaga. Kinilala ang mga biktimang nasawi na sina Nestor Mayo at student pilot Timothy De Guzman ng Air link International School. Sa ulat ni P/Senior Supt. Chito delos Santos, deputy regional director for operations sa PRO4-Mimaropa, bandang alas-6:55 ng umaga nang mamataan ang Tomahawk Training Plane (RP-C1655) bago mag-crash sa nasabing plantasyon. Agad namang tinungo ng mga tauhan ng 407th Provincial PNP Mobile group ang binagsakan ng eroplano hanggang sa dalhin ang mga bangkay sa Air Link Terminal sa Lubang para isailalim sa autopsy. (Arnell Ozaeta at Angie dela Cruz)
CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan Pito-katao ang iniulat na dinakip ng mga kagawad ng pulisya sa isinagawang drug bust sa Barangay Sto. Cristo, Pulilan, Bulacan kamakalawa. Kabilang sa mga nadakip na suspek ay nakilalang sina: Rogelio Benito, 33; Emerita Peralta; Wacky Illanza; Mark Allen Toldaya; Alvin de Torres; Joseph Corpuz; at Maria Rosalyn Benito. Sa ulat, ang mga suspek ay dinakma ng mga tauhan ni P/Supt Ferdinando Sevilla, dakong alas-10:30 ng umaga matapos ang ilang araw na pagmamatyag. Nakumpiska ang hindi nabatid na gramo ng shabu at baril na walang kaukulang dokumento. (Efren Alcantara)
CARDONA, Rizal Pinaniniwalaang biniro si kamatayan kaya natuluyang mamatay ang isang 21-anyos na lalaki makaraang pumutok ang baril na itinutok sa sintido nito sa harap mismo ng kanyang nobya sa Sitio Palusutan, Barangay Look, Cardona, Rizal kahapon ng madaling-araw. Hindi na naisalba pa ang buhay ng biktimang si Lloyd Francisco dahil sa tama ng bala sa sintido. Sa imbestigasyon ni PO2 Ian Boluntad, bandang alas-12:30 ng madaling-araw nang magbirong itutok ng biktima ang baril sa sintido kaharap ang nobyang si Sandylou Pantaleon. Ayon pa sa ulat, pinatunayan lamang ng biktima na mahal niya ang nobya kaya nagbiro, subalit lingid dito ay may naiwang pang bala at naganap ang hindi inaasahan. (Edwin Balasa)
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Isang walong taong gulang na nene ang ilang ulit na hinalay ng kanyang tiyuhin sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Tacpan, Jose Panganiban, Catanduanes. Luhaang dumulog kasama ang tiyahin sa himpilan ng pulisya para ipagharap ng kasong rape ang suspek na si Honesto Turado na ngayon ay nakalalaya pa. Sa reklamo ng biktimang itinago sa pangalang Josefa, nagsimula ang krimen noong Disyembre 14, 2004 hanggang sa tuluyang magreklamo si nene. Base sa pagsusuri ng doktor, positibong hinalay nga ang biktima kaya sinampahan ng kasong rape ang suspek. (Ed Casulla)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest