Kasong murder sa alalay ng mayor

TANAUAN CITY, Batangas – Pormal na sinampahan kahapon ng kasong murder ang isang security aide ni Tanauan Mayor Alfredo Corona dahil sa pagpatay sa dalawang lalaki at pagkasugat ng isa pa noong Disyembre 29, 2004 sa Governor Modesto Castillo Cultural Center sa nasabing lungsod.

Kasong double murder at frustrated murder ang ikinaso laban kay Rene Dulugmanding sa office ni Fiscal Benito Tersero ng Tanauan City Prosecutor base na rin sa isinumiteng testimonya nina Ana Marie Malipol at Eljie Sandoval.

Sina Ana Marie at Eljie ay asawa ng mga biktimang tinodas na si Fernando Malipol at Armand Sandoval na kapwa catering employees.

Kasama rin sa tumestigo ang nakaligtas na si Florante Mendoza na positibong kinilala ang suspek na si Dulugmanding ang bumaril at nakapatay sa dalawang biktima habang nasa loob ng palikuran.

Sa ulat ni P/Supt. Renato Angara, hepe ng pulisya, dumalo sa reunion si Mayor Alfredo Corona sa nasabing cultural center noong gabi ng Disyembre 29 nang magwala ang kanyang bodyguard na si Dulugmanding.

Ayon pa sa ulat, pinagbabaril hanggang sa mapatay ang dalawang biktima ng suspek habang nakaligtas naman sa tiyak na kamatayan si Mendoza.

Matapos isurender ni Dulugmanding ang baril kay Mayor Corona ay mabilis na nagtago ang suspek kahit na hinimok ng nasabing alkalde na sumuko sa pulisya.

Siniguro naman ni Mayor Corona sa pamilya ng mga biktima na kapag nagpalabas na ng warrant of arrest ang piskalya ay makikipag-ugnayan siya at ilang law enforcement agency ng pamahalaan na tugisin ang suspek na si Dulugmanding.

"I just want to show the people that I never tolerated anyone if he is against the law," pahayag ni Mayor Corona. (Ulat ni Arnell Ozaeta)

Show comments