Ex-councilor vs Brgy.chairman sa isyu ng talamak na nakawan

OLONGAPO CITY – Hinamon ni dating Konsehal Mamer Malabute sa lungsod na ito si Barangay Barretto Chairman Carlito Baloy na pangalanan nito kung sino ang tinutukoy na konsehal na umano’y lasing at nambugbog ng isang kabataan noong nakalipas na Pebrero 1, 2005 na naganap sa nasabing lugar.

Ang paghamon ni Malabute kay Baloy ay base sa isinumiteng affidavit ng huli sa City Hall na nambibintang sa isang dating konsehal at sa reporter na ito sa nangyaring insidente sa kahabaan ng national highway, Brgy. Barretto, Olongapo City na sinasabing pawang kasinungalingan at kahunghangan ang lahat ng mga nakasaad sa affidavit ni Baloy.

Ayon kay Malabute, marami umanong dating konsehal ang labis na nagulat at nagalit sa mga paratang ni Baloy at kailangan umanong pangalanan kung sino ang tinutukoy nito sa insidente at kung totoo ngang may nangyaring pambubugbog.

Base sa nakalap na affidavit, nakasaad dito na pinagtulungang gulpihin ng dating konsehal kasama ang ilang kaibigan at reporter na ito ang isang kabataang lalaki na nananalamin lamang sa kanyang sasakyan habang nag-iinuman sa isang restaurant sa Brgy. Barretto noong Peb. 1.

Ang paratang ni Baloy sa reporter na ito at sa dating konsehal ay matapos mailathala sa PSN noong Pebrero 4 ang talamak na nakawan ng side mirrors sa Olongapo, partikular sa lugar ng Brgy. Barretto na nasasakupan ni Baloy kung saan ang pinakahuling biktima ng sindikato ng pagnanakaw ay isang negosyante. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments