5 rebelde patay sa labanan

CAMP AGUINALDO – Dalawang rebeldeng New People’s Army (NPA) at tatlong bandidong Muslim ang napaslang matapos makasagupa ang tropa ng militar sa magkakahiwalay na insidente sa Agusan del Norte at Zamboanga del Sur nitong Huwebes ng hapon.

Ayon kay AFP-Public Information Office (AFP-PIO) Chief Lt. Col. Buenaventura Pascual, dakong alas-3:30 ng hapon nang makasagupa ng mga elemento ng Special Mission Team at 4th Military Intelligence Battalion sa Sitio Loksohon, Brgy. Los Angeles, Butuan City ang mga armadong rebelde.

Nasamsam sa pinangyarihan ng bakbakan ang isang cal .45 baril na may 50 rounds ng bala; isang .9 mm na may 30 rounds ng bala, fragmentation grenade, limang rounds ng bala ng .50 caliber pistol, tatlong cellular phones at isang backpack na may mga subersibong dokumento.

Kasunod nito, dakong alas-3:30 ng hapon nang makasagupa ng Alpha Company ng Army’s 51st Infantry Battalion (IB) ang grupo ng mga bandidong Muslim sa Brgy. Tarakan, Dinas, Zamboanga del Sur.

Nabatid sa opisyal na ang grupo ay pinamumunuan ni Kok Lao alyas Commander Romano. Tumagal ang palitan ng putok ng halos isang oras na ikinasawi ng tatlo sa panig ng mga bandidong Muslim.

Kasalukuyan namang inaalam ng militar kung ang grupo ni Lao ay kaalyado ng mga bandidong Abu Sayyaf (ASG) at ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa nasabing lugar.

Nakuha sa lugar ang tatlong matataas na kalibre ng armas at isang pumpboat. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments