Gayunman, kasalukuyan pang inaalam ang pagkikilanlan ng mga napatay na miyembro ng sindikato na pawang mukhang Tsino na idineklarang patay sa Davao Sanitarium Hospital.
Lumilitaw sa imbestigasyon na bandang alas-7:30 ng gabi nang salakayin ng mga operatiba ng Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force ang gusali na ginawang shabu lab sa nabanggit na barangay.
Sinabi ni PNP deputy chief, Director General Ricardo de Leon, sa halip na sumuko ang anim ay nakipagbarilan sa mga sumalakay na pinagsanib na puwersa ng PNP-AIDSOTF, mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Police Regional Office 11 sa ilalim ni Chief Supt. Simeon P. Dizon Jr. na pawang nakasuot ng bullet-proof vests.
Muntik namang napatay sa unang bugso ng barilan sina P/Sr. Insp. Ismael Fajardo at SPO2 Ronaldo Parreno na kapwa magkasabay na pumasok sa shabu lab sa kahabaan ng McArthur Highway na sakop ng Barangay Dumoy, Talomo District, Davao City.
Ayon pa ulat, naka-rekober ng 76 kilong methamphetamine hydrochloride (shabu) na nagkakahalaga ng P152-milyong, ibat ibang uri ng kagamitan sa paggawa ng droga, kemikal at tatlong malalakas na kalibre ng baril na ginamit ng grupo.
Kinumpiska rin ng mga awtoridad ang isang Nissan X-Trail na may plakang LFG-177 at kulay berdeng Toyota Enima (RBL-856).
Ang isinagawang raid ay base sa inisyung search warrant ni Judge Renato A. Fuentes ng Davao City Regional Trial Court Branch 9.
Nakipagtulungan din ang mga tauhan ng Bureau of Immigration upang beripikahin ang katayuan ng anim na mga mukhang Tsino at walang ID na nakuha.
Pinasalamatan naman ni DILG Sec. Angelo T. Reyes at PNP Chief, Director General Edgar B. Aglipay, ang US-DEA, Taiwan Ministry of Justice Investigation Bureau at Taiwan National Police Criminal Investigation Bureau dahil sa ibinigay na intelligence support kaya naging matagumpay ang operasyon. (Ulat ni Joy Cantos)