62 aso naisalba sa katayan

BAGUIO CITY – Tinatayang aabot sa 62-asong-gala ang iniulat na naisalba mula sa katayan makaraang masabat ang tatlong sibilyang lulan ng van patungong La-Trinidad, Benguet noong Miyerkules ng madaling-araw.

Bandang alas-2:15 ng madaling-araw nang mamataan ng mga kagawad ng pulisya at tauhan ng Animal Kingdom Foundation (AKF) sa pangunguna ni P/Supt. Rolando Bersola, ang puting Kia van na may plakang XRS-114 patungo sa naturang lugar. Matapos parahin at buksan ang van ay bumulaga ang mga nakabusal na asong-gala na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na sina: Efren C. Anglo, 42, ng San Antonio, San Pedro, Laguna; Enrico F. Almeida, 34; at Edgar Santos Moravilla, 49, na kapwa residente ng Cuyab, San Pedro, Laguna.

Ayon sa mga suspek, ang mga asong-gala ay dadalhin nila sa Comiles slaughterhouse sa kahabaan ng KM 6 na sakop ng La Trinidad, Benguet.

Sa ulat ni Gegway, sinabi ng isa sa tatlong suspek na si Edgar Marovilla, drayber ng van, inutusan lamang sila ng isang nagngangalang Robert Medina na dalhin ang kontrabando sa nasabing bayan.

Dahil sa impormasyong nakalap ng mga tauhan ng AKF mula sa kanilang tiktik ay nasabat ang illegal shipment matapos na mamataan ang van sa bahagi ng San Pedro, Laguna noong Martes ng hapon.

Agad namang nagtayo ng mga checkpoint ang mga awtoridad sa bayan ng Saytan, Rosario patungong Kennon Road at sa bayan ng Paniqui, Tarlac sakaling magbago ng ruta ang van sa direksyon ng Dagupan City.

Pinaniniwalaan namang dadagsa ang karne ng aso sa nasabing lalawigan sa nalalapit na Kapaskuhan dahil itinuturing ito na bahagi ng Noche Buena feast. Nasa pangangalaga na ni Dr. Flosie Decena ang aso sa San Fernando City Pound. (Ulat ni Artemio Dumlao)

Show comments