Bandang alas-6 ng umaga nang madiskubre ng mga kagawad ng pulisya ang limang bangkay na tadtad ng tama ng bala matapos na ipagbigay-alam ng mga opisyal ng barangay na may narinig ang mga residente ng sunud-sunod na putok ng baril sa pagitan ng ala-una hanggang alas-2 ng madaling-araw.
Ayon kay Chief Inspector Eddie Granil, police chief ng Umingan, bago itinumba ang mga biktima ay dalawang baka ang natagpuang kinatay sa nasabing barangay may sanlinggo na ang nakalipas. Lumilitaw sa imbestigasyon na ang dalawang bangkay ng hindi pa kilalang biktima ay natagpuan sa kahabaan ng palayan habang ang tatlong katawan ay nasa loob ng Besta van na kulay berde at may plakang WTZ-802. Narekober ng pulisya ang apat na mahabang kutsilyo, mahabang flashlight, delivery notebook na may nakasulat na price list, dalawang identification cards na nasa pangalan ni Leonides Doria ng Nazareth Compound, Molino III, Bacoor, Cavite, ilang sako ng bigas na walang laman, 11 malalaking plastik na sako na maaaring paglagyan ng 50 kilong karne, dalawang signboards na may rutang Imus, Lawton-Baclaran at Camella-Molino.
Samantala, sa ulat ni P/Supt. Rayland Malenab, intelligence and investigation officer, aabot sa 51 kasong pagnanakaw ng mga alagang hayop ang naitala simula noong Enero hanggang Oktubre 2004.
Napag-alaman pa sa ulat na 18 baka ang ninakaw, 47 naman ang narekober habang 60 ang kinatay mula sa 38 bayan ng nasabing lalawigan ng mga hindi kilalang maninikwat.
Naitala naman ang limang bakang ninakaw na pag-aari ni Barangay Captain Cielito Fernandez sa Barangay Bobonan at Pozorrubio noong Hulyo 20, 2004 at natagpuan kinatay.
Dahil sa lumalalang pagnanakaw ng mga alagang hayop sa Pangasinan ay nagtalaga si P/Sr. Supt. Mario Sandiego ng Provincial Anti-Cattle Rustling Special Operation Task Force noong Agosto 2004. (Ulat ni Eva Visperas)