3 todas, 23 sugatan sa 2 sakuna

CAMP CRAME — Tatlo-katao ang iniulat na namatay habang dalawampu’t tatlo naman ang nasugatan sa naganap na magkahiwalay na sakuna sa Pampanga at Bulacan kamakalawa.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina: Agustin Roberto ng Saluysoy, Meycauayan, Bulacan; Corporal Michael Nofrada ng Philippine Army at isang nagngangalang Marrieta ng Kubol, San Carlos City, Pangasinan.

Ayon sa ulat, nasawi sina Nofrada at Roberto matapos na magsalpukan ang tatlong sasakyan sa Kahabaan ng North Luzon Expressway na sakop ng Candaba Viaduct kahapon ng umaga.

Samantala, nawalan naman ng kontrol ang pampasaherong bus sa kahabaan ng highway na sakop ng Plaridel, Bulacan kaya kinalawit ni kamatayan ang isang Marrieta.

Lumitaw sa pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang sakuna dakong alas-7:30 ng umaga makaraang may sumulpot na sasakyan sa unahan ng 5-Star Bus Liner na bumabagtas patungong Maynila mula sa Norte at nawalan ng kontrol. (Angie dela Cruz)

Show comments