Nagtamo ng maraming tama ng bala ng armalite rifle ang katawan ng mga biktimang sina: Rommel Castillo, 49 at Michael Sorio, 40 na kapwa tubong Tiaong, Quezon at residente ng nabanggit na barangay.
Base sa ulat na isinumite kay P/Supt. Fausto Manzanilla Jr., police chief ng Batangas City, bandang ala-1:30 ng madaling-araw, may pumaradang sasakyan ng anim hanggang pitong armadong kalalakihan sa harap ng bahay ng mga biktima. Biglang naghagis ng granada at kasunod nito ay umaatikabong putok ng malakas na kalibre ng baril na ikinasawi ng dalawang biktima.
Matapos ang insidente ay parang walang anumang lumayo ang mga killer hanggang sa marekober ng pulisya ang 217 basyo ng armalite rifle, samantalang nanatiling walang makalap na impormasyon ang mga awtoridad sa malagim na sinapit ng mga biktima.
Napag-alaman na ang mga biktima ay may nakabinbing warrant of arrest na inisyu ni MTC Judge Ceasar Orias ng Tiaong, Quezon sa kasong murder.
Nabatid pa kay Manzanilla, ang dalawang biktima ay kapwa miyembro ng Blackshark Group, isang sindikato na lumilinya sa robbery, gun-for-hire at "paihi" (pilferage of gasoline and LPG) na operasyon sa Batangas. (Arnell Ozaeta)