3 karpintero natodas sa poso-negro

CAMP CRAME – Tatlong karpintero ang kumpirmadong nasawi makaraang pumasok at makulong sa inabandonang poso-negro ng gusaling pangkalakal sa Barangay East Poblacion, Naga, Cebu kamakalawa.

Hindi na umabot pa ng buhay sa Chong Hua Hospital ang mag-amang Alfredo Alfornon, 50; Jorimo Alfornon, 21 at kasamang Felix Repunte, 37.

Napag-alamang ang mga biktima ay namatay dahil sa kawalan ng hangin sa loob ng tangke matapos na pumasok dakong alas-8:30 ng umaga at tumagal pa ng ilang oras bago pa masaklolohan.

Sa salaysay ng foreman na si Arcadio Sayson, inatasan niya ang mga trabahador na buksan ang malaking tangke ng poso-negro para linisin at matanggal ang anumang nakabara.

Pinalagyan din ni Sayson ng butas ang nasabing tangke upang daluyan ng tubig at dumi mula sa kubeta ng itinatayung gusali.

Sinabi pa ni Sayson sa mga awtoridad, na hindi niya akalaing magaganap ang malagim na trahedya dahil hindi pa naman nagagamit ang naturang tangke at inabandona bunga ng kakulangan ng pondo para sa pagpapagawa ng gusali simula pa noong Marso 24, 2003.

Nabatid na tumalon agad sa septic tank ang tatlo sa halip na gumamit ng lubid kaya agad na hinimatay matapos na lumapat ang paa sa ibabang bahagi.

Namataan naman ng ilang kasamahan ang nangyari sa mga biktima kaya agad na tumawag ng saklolo hanggang sa maiahon palabas ang tatlo, subalit hindi na umabot pa ng buhay sa ospital.

Base naman sa kuwento ng mga residente sa lugar, pinaniniwalaang nagalit ang masasamang espiritu na namamahay sa pinutol na puno ng kaimito at posibleng naglunga sa nasabing poso-negro.

Samantalang sa paghuhukay sa nasabing septik tank ay nakakita ang mga trabahador ng kalansay ng tao.

Magugunita na noong Hulyo 2003 ay apat na rescuers ang nasawi sa pagtatangkang iligtas si Wilma Badayos na aksidenteng nahulog sa may pitong talampakang septic tank sa Guadalupe, Cebu City. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments