Empleyado itinumba sa mahjongan
CAGAYAN Binaril at napatay ang isang empleyado ng munisipyo ng hindi kilalang lalaki habang ang biktima ay nagma-mahjong kasama ang asawa at ilang kaibigan sa bayan ng Enrile, Cagayan kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa batok ang biktimang si Eduard Trinidad na nakatalaga sa opisina ng ingat-yaman sa nasabing bayan. Base sa ulat na isinumite kay P/Supt. Rodrigo De Gracia, Cagayan police provincial director, naitala ang krimen dakong alas-7:30 ng gabi kamakalawa habang naglalaro ng mahjong ang biktima kasama ang kanyang may-bahay at ilang mga kaibigan. Walang kamalay-malay ang biktima nang lapitan ng hindi kilalang lalaki at isagawa ang pamamaslang. Sinisilip ng pulisya kung may kinalaman sa trabaho ng biktima ang naganap na krimen. (Victor Martin)