Napag-alamang marami sa magtatanim ng sibuyas ay mga rebelde returnees na nagbagong-buhay na at pagtatanim ng sibuyas bukod sa pagtatanim ng palay ang inaasahang ikabubuhay.
Ayon kay Magtanggol Alvarez, founding president ng Union of Growers and Traders of Onion in the Philippines (UGAT), umiiyak na ang mga nagtatanim ng sibuyas sa malaking lugi dahil sa pagbaha ng mura at imported at smuggled na sibuyas sa merkado.
Sinabi pa ni Alvarez na sabwatan ng importer, ilang tiwaling empleyado ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) na nagpapahintulot na pumasok ang mga imported na sibuyas kahit walang import permit at dokumento.
Nabatid na halos 500,000 ang mawawalan ng pagkakakitaan kung mamamatay ang industriya ng sibuyas sa bansa.
"Akala yata ng mga tiwaling empleyado ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) at mga importer na iyan ay malayo ang Maynila, na hindi namin sila kayang hagilapin."
Ito ang pagbabanta ng ilang nadidismayang magsasaka ng sibuyas sa mga tiwaling empleyado ng naturang mga ahensya at maaaring makaisip din ang mga ito na magbalik-bundok at magrebelde.
Samantala, hiningi ng UGAT kay PGMA na higpitan at tanggalin ang mga tiwaling empleyado ng gobyerno na sangkot sa illegal smuggling ng sibuyas. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)