Sa ulat ni ESS-CPD Chief for Operations Capt. Marlon Alameda kay ESS-CPD District Commander Major Elpidio "Sonny" Manuel, nasabat dakong alas-10 ng gabi ang dalawang truck van na naglalaman ng mga asukal at nasakote ang mga suspek na sina: Adelmo Angeles, Ernesto Rafael, kapwa residente ng Barangay San Benito, Dinalupihan, Bataan na pawang mga driver nang truck van (UAF-765 at WNN-760) at ang mga pahinanteng sina: Felino Mercado, ng Dinalupihan, Bataan at Basilio Layug, naninirahan sa Barangay Pag-Asa, Dinalupihan, Bataan.
Sa pahayag ng mga suspek, isang nagngangalang "Danny" na empleyado ng Seaport Department ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang nag-utos sa kanila na kunin ang mga asukal na nakapaloob sa 20-footer container van sa Naval Supply Depot (NSD) at dalhin kaagad sa isang malaking bodega sa hindi pa tinukoy na lugar sa Bataan.
Ayon kay Alameda, nabatid na ang ipinuslit na mga imported refined Thai sugar ay una nang nakumpiska ng BoC noong nakalipas na buwan sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon sa loob ng Freeport.
Napag-alaman din na ilang tauhan mula sa Seaport at Law Enforcement Department (LED) ng SBMA na nagbabantay sa gate ng NSD ang kasangkot sa pagpupuslit at pagnanakaw sa mga asukal dahil sa nakalabas ang mga kontrabando sa loob ng NSD.
Kaagad namang nagpalabas ng kautusan si Customs Deputy Collector Atty. Andres Salvacion na sampahan ng kasong "robbery" laban sa mga suspek at ang "warrant of seizure and detention" para naman sa pagkumpiska sa dalawang truck van na ginamit sa pagpupuslit sa mga imported sugar. (Ulat ni Jeff Tombado)