Opisyal ng isang NGO, itinumba

CAMP CRAME – Isang 27-anyos na executive director ng non-government organization (NGO) at dating anti-death activist ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dalawang hindi kilalang lalaking naka-motorsiklo habang ang biktima ay patungo sa pagpupulong sa Bajada, Davao City kamakalawa ng tanghali.

Idineklarang patay sa Davao Medical Center ang biktimang si Rashid "Jun" Manahan, may asawa at residente ng Seawall na sakop ng Barangay 76-A, Bucana ng naturang lungsod.

Ang biktima ay executive director ng Community Resource Development Center at coordinator ng Mamamayang Tutol sa Bitay (MTB)-Davao chapter.

Nabatid din na ang biktima ay kilalang student activist noong nag-aaral pa ito sa University of Mindanao (UM) at naging founder ng fraternity na Trivia Epsilon Omega.

Base sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang pamamaslang habang ang biktima ay patungo sa Ponce Suite, Dona Vicenta Subdivision upang dumalo sa pagpupulong tungkol sa isyu ng death penalty at summary execution sa Davao City.

Hindi naman nakilala ang mga killer na sakay ng motorsiklong may plakang LFA-113.

Wala pang malinaw na motibo ang mga kagawad ng pulisya sa pagkakapaslang sa biktima. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments