Binawian ng buhay sa Veterans Regional Hospital si Nestor Buhang, 24, magsasaka, tubong Cauayan, Asipulo Ifugao.
Ang biktima ay nakaramdam ng matinding pananakit ng tiyan bago sumuka dahil sa nainom na tubig.
Nasa kritikal na kalagayan ang walo sa labing-anim na sina: Benito Nadia, 48; mag-amang Pedro Balaho,42, at Bernadette Balaho, 18, ng Purok 5; Francis Bongdol, 34, ng Purok 1; Tajab Palicdon, 75, Elizabeth Pagaddut, mag-amang Lorenzo Boligon, 58; at Joey Boligon,17, na kapwa residente ng Purok 2 sa nabanggit na Barangay.
Ayon kay Lorenzo Nadia, anak ng isa sa mga biktima, labis umano ang kanilang pagkamangha sa bilis ng mikrobyo na dumapo sa katawan ng mga biktima dahil sa loob lamang ng isang oras ay mapapansin agad ang paglubog ng mata ng mga biktima at pangungulubot ng kanilang balat.
Sinabi pa ni Nadia na ang mga biktima ay sunud-sunod na dinala sa pagamutan simula pa noong Miyerkules at Huwebes dahil sa matinding pananakit ng tiyan at pagsusuka.
Maliban sa mga isinugod sa nasabing ospital ay napag-alamang may iba pang naapektuhan ng inuming tubig na pinaniniwalaang cholera outbreak, subalit sa halip na magpadala sa pagamutan ay minabuti nilang tiisin ang sakit na nararamdaman at umaasa sa ritwal na isinasagawa ng mga nakakatanda, ayon sa nakagisnang kultura.
May teorya naman si Reggie Valino-Valdez, municipal councilor ng bayang ito na mikrobyo ng cholera ang dumapo sa mga inuming tubig na nasa balon.
Ipinahayag ni Barangay Chairman Leon Dumani na pakuluan muna ang tubig na kinuha sa balon bago inumin para sa kanilang seguridad. (Ulat ni Victor Martin)